THE REVOLUTION WILL NOT BE TWEETED
Taong 1997, ilang taon matapos simulan ang masalimuot na “kilusang pagwawasto” sa pinakamatandang Maoistang kilusan sa Pilipinas (41 taon ngayong araw), prosesong nagresulta sa pagbaklas ng ilang kasapi at pagkakatatag kinalaunan ng mga grupong tulad ng BMP at Akbayan, muli itong niyanig ng pagtiwalag ng isang paksyon mulang Gitnang Luzon. Ayon sa ulat, hindi sinang-ayunan ng tumiwalag/itiniwalag na grupo ang sumada ng naging pagkilos sa rehiyon sa nakalipas na mga taon. Diumano, mali ang mga tinukoy na kamalian ng armadong kilusan sa Gitnang Luzon kaya’t walang kinakailangang magbago sa praktika’t mga pamamaraan ng NPA dito. Dahilan para maantala ang rektipikasyon sa ipinatutupad na mga patakaran at istratehiya, pati na rin sa aktitud/asal at gawain, ng mga gerilya. Kung paniniwalaan ang sinasabi ng Ang Bayan, maituturing na isa sa mga tampok na akdang pampanitikan ng naturang lunan at yugto sa kasaysayan ng armadong kilusang Kaliwa ang Gerilya ni Norman Wilwayco. Itong nasabing konteksto ang maaaring makatulong magbigay-liwanag sa mga “pagmamalabis” at iba pang kahinaan ng kilusan na isiniwalat sa nobela, liban pa sa mga gawing lumpen ni Ka Poli/Tony, isa sa mga pangunahing tauhan. Kung batid ang nasabing kasaysayan ng kilusan sa Gitnang Luzon sa nakalipas na dekada (o ang kasaysayan ng pambansang kilusan sa mga panahong mainit na pinagtalunan ng mga “RA/RJ”), mas madali marahil unawain, lalo na ng tibak na mambabasa, ang mga halos-pambihirang kaganapan, desisyon, at karakterisasyon sa loob ng nobela.
Hindi perpekto ang kilusan, o ang mga kadre’t mandirigma nito, at hindi madaling bagay ang magrebolusyon. Malinaw ang babala (hindi paumanhin) sa umpisa ng Gerilya—“Hindi piknik ang rebolusyon”—hindi lamang para sa umaatikabo’t nakasisindak na mga eksena sa mga susunod nitong pahina kundi para sa sinumang nagnanais suungin/paksain/pasukin ang masalimuot na buhay ng pagkilos para sa sosyalistang transpormasyon ng lipunan dahil napakadaling mawindang/mauwi ang sinumang kritiko/mambabasa sa kung anu-anong paimbabaw/pahapyaw na shit na walang laman, walang kaluluwa, at hindi nagagalugad/nadi-digs ang napakatinding salimuot na nasa ubod ng pinakahuling nobela ni Norman. Naririto ang sa aking palagay ay isang tapat na halimbawa ng paglalahad sa tindi ng hirap/dahas na maaaring madanas ng sinumang mag-aastang rebolusyonaryo, karanasang nagbabadya ng panganib sa buhay, katawan, hanggang kamalayan at mismong paninindigan ng bawat indibidwal, karanasang bihirang mababasa sa halos arketipal na mga paglalarawan sa bibihira na ngang akdang pampanitikan mula sa nasasakop ng demokratikong sentralismo ng rebolusyonaryong kilusan. Nasa husay ni Norman bilang kwentista ng wasaaak na maipamalas sa atin, sa paraang tunay na gumigising at tumatatak sa isipan, ang maigting at masalimuot na tunggalian sa sikolohiya ng mga gerilya, ng mga kabataang pinipili ang maselang landas ng pamumundok para ayusin itong lipunan. Bawat desisyon na pinipili nilang gawin ay hindi lamang simplistikong resulta ng kanilang “kamulatan”, kundi ito’y produkto rin ng kinaiiralan nilang mga sirkumstanya. Isang kilalang pilosopo ang minsa’y nagwika na sa huli, ang materyal at panlipunang kondisyon ang nagtatakda sa taglay na kamalayan ng tao. Hindi man sinasadya, malikhaing pinagdidiinan ng Gerilya ang katotohanang ito. Kaya marahil makalipas ang 41 taon, napakatagal na kung tutuusin, nagpapatuloy ang rebolusyon.

No trackbacks yet.