IF AS IT WAS IS AS IT SHOULD BE

Pagsalunga sa agos ng karaniwang pag-iral—ang mamuhay nang tila hindi umiral ang nakalipas, nang walang isinasaalang-alang na kasaysayan, personal man o panlipunan—ang buong giting na sinusuong ng mga tula sa ikalawang aklat ni Mabi David, ang You Are Here. Maselang gawain/pananagutan ang magbalik-tanaw sa nakaraan, isang peligrosong aktong maihahalintulad sa pagtawid sa manipis na lubid, dahil sinusukat nito ang hanggahang handa tayong tawirin pati na ating katatagang harapin/mapangibabawan ang samutsaring lagim ng kasaysayan—ang mga sandali ng pagkaligta, ang mga pagkakataon ng pagkukulang, ang mga kaganapang nagpapamalas sa ating malupit na kahinaan bilang tao at indibidwal—ang mga bagay na hindi na maaaring balikan, wika nga ni Dickinson sa tulang pinagmulan ng epigrape ng koleksyon, na sa maraming pagkakataon ay mas mainam ngang hindi na balikan pa.

Sa mga tula ni Mabi, madarama ang naturang tensyon, ang pagbubuhol/pagkakalag ng mga pag-aalangan/pagtitiyak (“secure the rope at the right suspension/ for the illusion to work”) sa sinasabing imperatibo na magmasid/suriin di lamang isa/dalawang beses ang etikal na dilemma ng “pagtingin” sa kasaysayan—ang salimuot ng “pagkakasangkot ng kontemporaryong indibidwal sa minanang nakalipas”—ganitong bawat posibleng imaheng ibinabahagi sa atin ng Kasaysayan ay laging nanganganib maglaho, gumuho, o, tulad sa napakarami’t tipikal na kaso, maimortalisa sa anyo ng isang rebulto/bantayog/monumento. Malaking posibilidad din na ang inaakala nating Kasaysayan ay isa palang kasinungalingan. “Even the dead will not be safe,” wika nga ni Walter Benjamin. Para kay Mabi, malinaw na “The visible is a word for the limits to her sight” lalo’t kinikilala niya ang kanyang posisyon bilang “secondary witness” (“She takes a step back/ to where she can see only a part of the act”) (“She steps further back, unwilling to be/ caught into disbelief because of what can be seen”) sa mga naganap—saksi sa inilalahad ng saksi—na ngayo’y inaarkibo sa kung anumang repositoryo ng may-saysay/historikal.

“We wanted to get/ close, very close,” wika ni Jorie Graham. Ito ang ating problematikong lunggati sa kasalukuyan ganitong ang tanging malapit sa atin, ang kagyat na abot-tanaw, ay ang karanasang personal, ang historikal na kinasasangkutan ng sarili. Napakahirap mamersonal ng kasaysayan ng iba at napakadaling i-inhabit ng kamalayan ang kung saanman. Kung gayon, paano maaaring maging tiyak? Sa You Are Here, ito mismo ang iniiwasan ni Mabi—ang tumangging pasimplehin ang usapin ng here bilang isyu ng lokasyon, ng elementaryang pagsagot sa “nasaan ka?”, ng pagtitiyak sa pwesto ng indibidwal sa multidimensyonal na mapa ng pantaong heograpiya. Mawawari ang istrukturang tinutungo ng koleksyon ngunit kapansin-pansin din ang halos arbitraryong pagsasanib (dahil sa bilis ng pagpapalit-palit ng nagsasalitang tinig/persona/punto de bista) ng personal at historikal sa bawat tula at sa mismong kabuuan ng aklat. Hindi posisyon ang mahalaga kay Mabi kundi disposisyon o pakiwari ng sarili na matutunghayan sa kanyang pambihirang pagsisikap na gawing materyal ang mga kondisyong dinanas ng iba gamit ang pinakamalalapit na karanasan ng sarili bilang susing sangkap sa pagtula. Kung ito ang unang hakbang ni Mabi sa pagtalunton sa naturang mga usapin, nakapananabik matunghayan ang susunod niyang mga akda.

THE REVOLUTION WILL NOT BE TWEETED

Taong 1997, ilang taon matapos simulan ang masalimuot na “kilusang pagwawasto” sa pinakamatandang Maoistang kilusan sa Pilipinas (41 taon ngayong araw), prosesong nagresulta sa pagbaklas ng ilang kasapi at pagkakatatag kinalaunan ng mga grupong tulad ng BMP at Akbayan, muli itong niyanig ng pagtiwalag ng isang paksyon mulang Gitnang Luzon. Ayon sa ulat, hindi sinang-ayunan ng tumiwalag/itiniwalag na grupo ang sumada ng naging pagkilos sa rehiyon sa nakalipas na mga taon. Diumano, mali ang mga tinukoy na kamalian ng armadong kilusan sa Gitnang Luzon kaya’t walang kinakailangang magbago sa praktika’t mga pamamaraan ng NPA dito. Dahilan para maantala ang rektipikasyon sa ipinatutupad na mga patakaran at istratehiya, pati na rin sa aktitud/asal at gawain, ng mga gerilya. Kung paniniwalaan ang sinasabi ng Ang Bayan, maituturing na isa sa mga tampok na akdang pampanitikan ng naturang lunan at yugto sa kasaysayan ng armadong kilusang Kaliwa ang Gerilya ni Norman Wilwayco. Itong nasabing konteksto ang maaaring makatulong magbigay-liwanag sa mga “pagmamalabis” at iba pang kahinaan ng kilusan na isiniwalat sa nobela, liban pa sa mga gawing lumpen ni Ka Poli/Tony, isa sa mga pangunahing tauhan. Kung batid ang nasabing kasaysayan ng kilusan sa Gitnang Luzon sa nakalipas na dekada (o ang kasaysayan ng pambansang kilusan sa mga panahong mainit na pinagtalunan ng mga “RA/RJ”), mas madali marahil unawain, lalo na ng tibak na mambabasa, ang mga halos-pambihirang kaganapan, desisyon, at karakterisasyon sa loob ng nobela.

Hindi perpekto ang kilusan, o ang mga kadre’t mandirigma nito, at hindi madaling bagay ang magrebolusyon. Malinaw ang babala (hindi paumanhin) sa umpisa ng Gerilya—“Hindi piknik ang rebolusyon”—hindi lamang para sa umaatikabo’t nakasisindak na mga eksena sa mga susunod nitong pahina kundi para sa sinumang nagnanais suungin/paksain/pasukin ang masalimuot na buhay ng pagkilos para sa sosyalistang transpormasyon ng lipunan dahil napakadaling mawindang/mauwi ang sinumang kritiko/mambabasa sa kung anu-anong paimbabaw/pahapyaw na shit na walang laman, walang kaluluwa, at hindi nagagalugad/nadi-digs ang napakatinding salimuot na nasa ubod ng pinakahuling nobela ni Norman. Naririto ang sa aking palagay ay isang tapat na halimbawa ng paglalahad sa tindi ng hirap/dahas na maaaring madanas ng sinumang mag-aastang rebolusyonaryo, karanasang nagbabadya ng panganib sa buhay, katawan, hanggang kamalayan at mismong paninindigan ng bawat indibidwal, karanasang bihirang mababasa sa halos arketipal na mga paglalarawan sa bibihira na ngang akdang pampanitikan mula sa nasasakop ng demokratikong sentralismo ng rebolusyonaryong kilusan. Nasa husay ni Norman bilang kwentista ng wasaaak na maipamalas sa atin, sa paraang tunay na gumigising at tumatatak sa isipan, ang maigting at masalimuot na tunggalian sa sikolohiya ng mga gerilya, ng mga kabataang pinipili ang maselang landas ng pamumundok para ayusin itong lipunan. Bawat desisyon na pinipili nilang gawin ay hindi lamang simplistikong resulta ng kanilang “kamulatan”, kundi  ito’y produkto rin ng kinaiiralan nilang mga sirkumstanya. Isang kilalang pilosopo ang minsa’y nagwika na sa huli, ang materyal at panlipunang kondisyon ang nagtatakda sa taglay na kamalayan ng tao. Hindi man sinasadya, malikhaing pinagdidiinan ng Gerilya ang katotohanang ito. Kaya marahil makalipas ang 41 taon, napakatagal na kung tutuusin, nagpapatuloy ang rebolusyon.

THROUGH THE TWILIGHT’S FLOURIDE GLARE

Kunwari hindi natin alam na may naunang libro na Crowns and Oranges. Kunwari ang lahat ay nagmula lamang sa imahinasyon at astig na panulat ni Adam David. Kunwari sa susunod na araw na ang eleksyon at ang mga balita ng patayan ay gawa-gawa lamang ng mga tsismoso. Kunwari payapa ang mundo at walang taong nagugutom.

Masarap isipin ngunit mahirap magkunwari. Ang totoo, umiral (at umiiral) ang Crows and Rages bilang malikhaing kritisismo sa orihinal na antolohiya ng mga tulang Ingles ng mga kabataang makata na inilathala ng Anvil. Natatangi ito, naiiba, lalo’t para sa ating nahirati o nabwisit sa dating maangas na pagrerebyu ni Adam sa Free Press.

Narito pa rin ang angas ni Adam, lamang, nakalilikha ng ilusyon ng tamis ang kanyang paglikha ng bagong mga tula mula sa guho ng sinundang antolohiya. Kung tutuusin, higit na mabangis si Adam sa Crows and Rages dahil ang pagbura sa piling bahagi ng bawat tula ay marahas na tugon sa dinanas na pagbabasa sa mga orihinal na akda. Itong akto ng pagbura ay akto ng pagkitil sa salita, ng paglalaho ng teksto mula sa pahina. Gamit ang isang sipi mula kay Ann Lauterbach, binibigyang-lisensya niya ang paggamit ng ganitong dahas upang palitawin ang ipinapalagay ay nawawalang tula sa bawat pahina.

Ilusyonadong pagtatakip-bukas o pagkukunwari na lamang, kung gayon, ang isiping isang simpleng eksperimento sa pagsusulat, inosente’t walang isinasaalang-alang, sa tipikal na paraang Adam David (“I am jerking off without hesitation”), ang Crows and Rages. Ngunit mali ring isipin na sa paglalabas ng publikasyong ito, wala ni isang tula sa naunang antolohiya na naibigan si Adam. Sa muling pagsulat ng buong libro, ang kabuuan ng libro ang isinasalang niya sa kritisismo, o interogasyon, at hindi ang mga partikular na tulang nilalaman nito.

Sa isang diskusyon online, sinabi ni Adam na nakukulangan siya sa Crowns and Oranges. Kung ano ito, siya lamang ang nakakaalam. Maaaring isang gabi ay nagising siya’t biglang nagwika: “Lets/ find the bodies of those/ I have loved.” Kaya marahil kalahati ng kanyang koleksyon ay tumutukoy sa ideya ng katawan o may tuwirang pagtukoy sa katawan/bahagi ng katawan. O sa isang uri ng katawan ng tao (ng babae) na nakapagluluwal ng salita (“it was this that made me hard: the folds of her clothes, her/ body”).

Kakatwa ngunit nakalulugod isipin na tila itong pagpapalitaw sa katawan ng musa mula sa kabuuan ng mga salita, itong pagbibigay-laman sa hindi agad nakikita, sa bago’t inaasahang mas mainam na koleksyon ng tula, ay nakaiiral lamang sa pamamagitan ng sakripisyo ng pagputol/pagwaksi sa ilang nilalaman, kundi man ang halos kabuuan, ng bawat tula. Sa tulang “Residence”, ani Adam:

……………..We sought to recreate what we had
……………..read: improve the pages, cram with
……………..promise, polish the graceful curve of
……………..normalcy, sharp enough to slice away
……………..hearts, regrets, worry, loss, the wicked
……………..world where I truly live, this body a
……………..Constant map to bring us closer, no
……………..walls, finally home.

Posibleng nagbubulag-bulagan pa rin tayo sa ating pagbabasa ngunit salamat at malinaw itong mga mata ni Adam.

UGLY IS THE NEW PRETTY, AND SO ARE YOU

Iilan lamang ang alamat sa koleksyong Alamat ng Panget and Many Other ni Apol Sta. Maria. Ngunit kung interesado kang alamin ang pinagmulan ng pilikmata, bananacue, longganisa, at mga pyramid sa Giza, ito ang para sa iyo.

Pawang kaululan ang mga salaysay ni Apol tungkol sa pagkakalalang ng mga bagay na ito at ito ang napakahusay rito. Ang absurdo ang makinang nagpapatakbo sa kanyang mga strips at kuwento. Ang pagbibigay-liwanag sa hindi maipaliwanag, sa mahirap ipaliwanag, sa hindi naman talaga kailangang pag-aksayahan pa na ipaliwanag—ang pinagmulan, halimbawa, ng unang alipunga, o sa kaso ng libro, ang sanhi ng kapangitan ng tao—natural, ay dudulo lamang sa kaabsurdohan, dahil ang mismong ideya, bagamat huwaran, ay isang kagaguhan.

Sabagay, absurdo naman talaga ang ating tradisyon ng mga alamat etiolohikal. Wala naman talagang lohikang sabihing kaya may palong ang manok ay dahil dinagukan ng suklay ang isang sutil na binata noong unang panahon. Sinong gago rin ba ang maniniwalang nagmula ang saging sa putol na kamay ng isang engkanto.

Sa kabila ng balintuna, naaaliw tayo sa ganitong mga kuwento, tulad ng hindi maipaliwanag na pagkabaliw ng marami kay Willie at sa Wowowee. Hindi miminsan akong napapahagalpak ng tawa sa pagbabasa ng Alamat ng Panget habang nasa kubeta. Kaya’t kung kasiyahan ng mambabasa, liban pa sa katapangan at eksperimentasyon, ang gagamiting pamantayan sa pagbibigay-halaga sa librong ito, dapat igawad kay Apol ang National Book Award sa susunod na taon.

May natatanging talino sa bawat pahina ng Alamat ng Panget na kagyat mahihinuha kung hindi magpapauto sa inaakalang kawalan ng talento sa bawat nitong dibuho. May mensahe ang mga piling kuwento bagamat hindi pagmamalabis ipalagay na aksidente lang ito. Kung seseryosohin ang mga ito, na kay Apol ang huling halakhak. Hahahahaha. Ngayon nasa akin na.

Isipin na lang halimbawa ang kanyang paglilinaw kung bakit talagang bagoong ang numero zero dahil sa hanayang alpabetikal, o ang matinding dilemma ng teroristang si Codename Error mula nang mawala sa kanya ang letrang T. Dahil sa 90 plus pahina ng ganitong uri ng komikong komiks, posibleng si Apol ang nawawalang anak ni Brod Pete at Kapatid na Jocel.

Sobrang alien ng buong libro, lalo na sa unang basa, natatangi kahit sa hanay ng mga naglalabasang komiks na nireresiklo lamang ang alin sa tradisyong manga, Marvel/DC/Vertigo, o Tagalog Klasiks, gamit ang ipinapalagay na bagong kuwento o bagong atake sa ilustrasyon. Kahit ang presentasyon ng mismong libro ay hindi lumulugar sa normal o karaniwan. Dito, halimbawa, markado ang linis at epektibong paggamit ng puting espasyo.

Kung tutuusin, hindi na rin naman talaga bago itong Alamat ng Panget lalo na kung lumaki ka sa Funny Komiks. Pero hindi ito ang punto.

Napapanahon ang Alamat ng Panget dahil lumabas ito sa panahong ang ideya ng komiks ay tila malungkot na nakakanal sa matagumpay ngunit nakalipas nang Culture Crash, o sa mga titulong ikinakampeon ng Fully Booked gamit si Neil Gaiman at iba pa. Mahalagang nabuksan nito ngayon ang ating pagkauhaw sa mas malawak pang larangan ng komiks sa paparating na mga araw. #

Follow

Get every new post delivered to your Inbox.